School bldg. na solar powered, may elevator binuksan sa Daraga
DARAGA, Albay , Philippines — Pormal nang binuksan ang ika-aapat na palapag ng Daraga Community College na ipinagmamalaking moderno sa pagiging solar powered at may elevator, dito sa lalawigan kamakalawa.
Bunsod nito, labis na ikinatuwa at pinasalamatan nina Daraga Mayor Victor Perete, DCC school administrator Dr. Joey Zamora at ng halos 7,000 na mag-aaral, ang pamahalaan sa pagkakaroon nila ng kauna-unahang solar-powered na school building.
Ang ika-apat palapag ng naturang gusali ay natapos na gawin nito lamang buwan ng Agosto na pinondohan ni AKO Bicol Partylist Cong. Alfredo Garbin Jr. ng halagang P65-milyon pamamagitan ng LGSF o local goverment support fund. Ayon kay Municipal Engineer Fiel Montallana, may kabuuan itong floor area na 2,034 square meters at 20-rooms bawat palapag. Ang kagandahan umano nito ay may sarili nang electrical power system dahil solar powered na ito na aabot sa lakas na 96-kilowatts at may elevator na pinaka-una marahil sa Bicol Region na isa lamang community college na nagkaroon ng naturang pasilidad.
Ayon kay Cong. Garbin, halos magkakasunod ang mga pagpapasinaya ng mga gusali at classrooms na matagal nilang pinondohan hindi lang sa lalawigan ng Albay kundi sa malaking bahagi ng rehiyon lalo na sa Camarines Norte, Camarines Sur, Sorsogon, at ilan pang lugar sa rehiyon.
Sagot umano ito sa kakulangan ng mga silid paaralan sa lahat ng antas na pilit nireresolba ng pamahalaan at ng kanilang partido para sa maginhawang pag-aaral ng mga estudyante sa buong rehiyon.
- Latest





















