4 iskul sa Cavite nakatanggap ng pagbabanta
CAVITE, Philippines — Sunud-sunod na pagbabanta ang natanggap ng 4 na eskuwelahan sa Trece Martires City kamakalawa.
Agad na nagtaas ng seguridad ang kapulisan ng Trece Martires matapos kumalat sa social media post ang pagbabanta ng pamamaril at pananaksak sa 4 na pampublikong eskwelahan ng lungsod.
Ayon sa TMC police, Beat 2 station, alas-8:10 ng umaga ng Hulyo 23 ng makatanggap ng impormasyon at nag-viral agad sa Facebook messenger group chat ang pagbabanta na diumano’y planong pag-atake sa Trece Martires National High School, Osorio National High School, Conchu Annex High School, at Cabuco High School.
Nagtungo ang TMC Police sa mga nasabing eskuwelahan at pinalibutan at siniyasat ang mga nasabing eskwelahan siniguro ang kaligtasan ng mga guro at estudyante rito.
Lumabas sa paunang imbestigasyon na karamiham sa mga nakatanggap ng mensahe ay mga magulang ng mga mag-aaral ng mga nabanggit na eskwelahan. Nagsasagawa pa ng malalim na imbestigasyon ang pulisya katuwang ang pamahalaang lungsod ng Trece sa pangunguna ni Mayor Gemma Lubigan.
Pinag-aaralan din ng mga awtoridad ang orihinal na pinagmulan ng post.
Nakipag-ugnayan na rin sila sa Cybercrime Team at Cavite Police Provincial Cybercrime Response Team (PCRT) hinggil sa naturang pagbabanta.
- Latest

















