Taal volcano, 2 beses Sumabog

MANILA, Philippines — Nagtala ang Bulkang Taal sa lalawigan ng Batangas ng dalawang beses na minor phreatic eruptions o pagsabog sa may main crater ng naturang bulkan kahapon ng umaga.
Ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS), ang pagsabog ay naganap alas-12:58 ng madaling araw at ala-1:04 ng madaling araw na pawang nagtagal ng dalawang minuto batay sa seismic at camera records ng tanggapan.
Ayon sa Phivolcs ang naturang aktibidad ay lumikha ng plumes na may 1,200 metro ang taas mula sa bunganga ng bulkan at saka nalusaw sa may timog kanlurang bahagi ng bulkan batay sa naitala sa Daang Kastila (VTDK) thermal at Lower Calauit (VTLC) IP cameras.
Ang ikalawang aktibidad ay nakitang nagkaroon nang incandescent ballistics na nasa 300 metro sa ibabaw ng lawa.
Bukod dito, nagtala rin ang bulkan ng limang volcanic earthquakes at panandaliang pamamaga ng Taal Volcano Island.
Bunsod nito, ipinagbabawal ng Phivolcs ang pagpasok ng sinuman sa Taal Volcano Island (TVI) laluna sa may Main Crater at Daang Kastila fissures ng bulkan gayundin ang pamamalagi sa lawa ng Taal at paglipad ng anumang aircraft malapit sa tuktok ng bulkan dahil sa bantang biglaang pagputok ng steam o phreatic explosions, volcanic earthquakes, manipis na ashfall at pag-ipon o pagbuga ng mga nakalalasong gas.
Ang Taal Volcano ay nananatiling nasa ilalim ng alert level 1 na ibig sabihin ay may bahagyang aktibidad na nararanasan sa naturang bulkan.
- Latest






















