‘Ghost project’ sinisilip sa gumuhong tulay sa Kalinga
BAGUIO CITY, Philippines — Nag-uumapaw na ang galit ng publiko matapos gumuho ang Bailey Bridge sa Bugnay, Tinglayan, Kalinga dahil ang P67.2-milyong Makilo Bridge Replacement Project na dapat magtayo ng bagong 101.5-metrong steel arch bridge ay hindi man lang sinimulang isagawa.
Sa kabila ng nakalaang pondo, nanatiling luma at pansamantalang Bailey bridge pa rin ang tanging tawiran sa lugar.
Bago gumuho nitong Lunes, patuloy pang ginagamit ang naturang Bailey bridge bilang pangunahing daanan, kahit na walang anumang palatandaang nagsimula na ang bagong konstruksyon, na tahasang taliwas sa COA project signboard at DPWH transparency board na nakapaskil sa lugar, kung saan nakasaad ang detalye ng proyekto, ang contractor na EGB/JTM Joint Venture, ang badyet, at ang iskedyul ng proyekto.
Nauugnay ang gobyernong contractor na EGB kasama ang 14 pang iba sa multi-bilyong kontrobersiya sa flood control projects na kinasasangkutan din umano ng ilang mambabatas.
Sa papel, lehitimo ang proyekto ng Makilo steel bridge, lalo na’t nagkaroon pa ng groundbreaking ceremony noong Nobyembre 10, 2023.
Ngunit ibinunyag ng pagguho nitong Lunes na maaari itong isa na namang “ghost project.” Lumalabas na wala man lang nasimulan na paghuhukay, walang naideliber na materyales, at walang pundasyon ng bagong tulay. Hindi man lang din nagalaw ang lupa.
Maging si Kalinga Governor James Edduba ay walang kaalam-alam kung talagang may proyekto para sa tulay.
“I am not sure, until and unless we will secure a copy of the original POW (program of work) so we can comment appropriately,” ani Edduba sa PSN. Dagdag niya, kailangan pang magpaliwanag ang DPWH sa kanya tungkol sa ilang bagay hinggil dito.
Dahil sa hindi naipatupad ang P67.2-milyong proyekto, tinatanong ng mga residente kung saan napunta ang pondo, o ang proyekto ba ay naantala, sinuspinde, o ibinasura nang hindi ipinapaalam sa publiko.
- Latest
















