Lalaking nagbantang pasasabugin ang PNP-ACG office, arestado

MANILA, Philippines — Arestado ang isang lalaki matapos na magbanta online na pasasabugin ang tanggapan ng Philippine National Police-Anti-Cybercrime Group (PNP-ACG) sa operasyon sa Batangas City, kamakalawa.
Kinilala ang suspek na si alyas “Harvey”, na gumamit ng mga dummy account at nahaharap ngayon sa tatlong counts ng kasong grave threats sa ilalim ng Cybercrime Prevention Act, na may P36,000 piyansa kada kaso.
Ayon kay PNP-ACG Director, PBrig. Gen. Bernard Yang, agad na nagsagawa ng operasyon ang kanilang Cyber Response Unit at isinilbi ang arrest warrant na inilabas ng Quezon City Regional Trial Court.
Mismong ang social media handler ng PNP-ACG ang naghain ng reklamo laban sa suspek, matapos itong makatanggap naman ng sunud-sunod na pagbabanta at pagmumura sa comments at messenger app.
Batay sa imbestigasyon, tatlong dummy accounts ang ginamit ng suspek kaya’t matapos ang maigting na pagmamanman ay natunton ito ng pinagsanib na puwersa ng Cyber Patrolling and Intelligence Unit at Cyber Response Unit sa isang lugar sa Batangas City.
Aminado naman ang suspek na ginawa niya ang pagbabanta upang makakuha lamang ng atensyon, at inaming mali ang kanyang ginawa.
Nahaharap ang lalaki sa 3-counts ng kasong grave threats sa ilalim ng Revised Penal Code, in relation to Cybercrime Prevention Act of 2012.
- Latest















