Tres Queridas (71)
AMOY maalat na hangin ang sumalubong sa paghinto ng convoy ilang metro mula sa abandonadong Marina warehouse. Sa likod nang matataas at kinakalawang na pader na yero, halos hindi mapapansin ang malawak na bodega na nakatayo sa gilid ng pribadong pantalan.
Mula sa loob ng van, tahimik na sinuri nina Celeste at Diana ang thermal feed mula sa maliit na drone na pinalipad ng tech team.
“Dalawang bantay sa main gate, dalawa sa loob ng warehouse floor, at isa pang anino sa itaas ng opisina,” mahinang ulat ni Diana habang nakatutok sa monitor. “At tingnan mo ang likod, may naka-standby na speedboat sa pantalan. Kapag nagpaputok tayo sa labas, tatakbo agad si Carlo sa tubig bago pa natin mapasok ang gusali.”
Ngumiti si Celeste. “Hindi tayo kakatok nang may dalang ingay. Hahayaan nating siya mismo ang magbukas ng pinto.”
Walang sinayang na minuto ang grupo. Sa utos ni Celeste, isinuot ng isa sa mga operatiba, isang lalaking halos kasingtangkad at kasingkatawan ni Arthur, ang kupas na asul na polo at itim na sumbrerong kinuha nila mula sa traydor na executive aide. Sa kanang kamay nito, mahigpit nitong bitbit ang mabigat na itim na duffel bag mula sa pawnshop.
Habang tahimik na gumagapang ang pekeng Arthur patungo sa main entrance, lumihis naman sina Celeste at Diana kasama ang dalawang security patungo sa gilid ng bodega. Gamit ang maintenance ladder sa likod ng mga lumang container van, walang tunog nilang pinasok ang itaas na bahagi ng gusali. Mula sa itaas, malinaw nilang natatanaw ang ikalawang palapag, isang elevated office na may malalaking salaming bintana kung saan bahagyang naaaninag ang pigura ng isang lalaking nakatayo sa harap ng mesa. Si Carlo.
Sa ibaba, tatlong sunud-sunod na katok ang bumasag sa gate ng bodega.
Agad na lumapit ang dalawang armadong bantay ng warehouse at bahagyang binuksan ang pinto. Nang makita nila ang kupas na asul na polo, ang nakayukong sumbrero, at ang pamilyar na itim na duffel bag, hindi na sila nagdalawang-isip. Pinapasok nila ang lalaki at mabilis na isinara ang bakal na pinto. (Itutuloy)
- Latest















