Pulis timbog sa P16.1 milyong smuggled sigarilyo

MANILA, Philippines — Isang pulis at kanyang kasabwat ang naaresto ng mga otoridad sa pagpuslit ng sigarilyo galing sa Indonesia nitong Huwebes ng madaling araw sa Sitio Bactus,Barangay Talabaan sa Zamboanga City.
Kinilala ang mga naarestong suspek na sina Patrolman Berhamin Jadjuli Taji, nakadestino sa isang police unit sa probinsya ng Sulu; at Ernesto Sandri Mari-as, residente ng Barangay Divisoria sa Zamboanga City at nasamsam sa kanila ang nasa P16.1 milyong halaga ng mga sigarilyo.
Sa inisyal na ulat ng tanggapan ni Brig. Gen. Eleazar Matta, director ng Police Regional Office-9, nasamsam din mula sa dalawang suspects ang isang van-type Isuzu Elf truck, may plakang KBF 2276, na kanilang gagamitin sa pag-deliber ng 282 na mga malalaking kahon na may lamang sigarilyong gawa sa Indonesia sa kanilang mga contacts sa ibat-ibang lugar sa Zamboanga City at mga karatig bayan sa probinsya ng Zamboanga Sibugay.
Ayon kay Matta, kanilang ipapa-kustodiya sa Bureau of Customs ang mga imported na sigarilyong nasamsam para sa kaukulang disposisyon.
- Latest
















