15-anyos pumalag sa rape, sinaksak sa leeg, patay!
MULANAY, Quezon, Philippines — Sinaksak sa leeg hanggang sa mamatay ang isang 15-anyos na dalagita ng hinihinalang adik matapos siyang pumalag sa tangkang panghahalay sa kanya kamakalawa ng hapon sa Sitio Campalacio, Barangay Anonang ng bayang ito.
Ang biktima ay itinago sa pangalang “Angelita”, Grade 10 at residente sa nasabing barangay samantalang tumakas ang suspek na nakilala ng mga saksi na si alyas “Marcelo”, residente ng Barangay Magsaysay, Mulanay, Quezon.
Base sa inisyal na imbestigasyon, alas-4:30 ng hapon, nakita ng isang magsasaka ang biktima na umiiyak at humihingi ng tulong dahil sapilitang kinakaladkad ng suspek patungo sa kagubatan.
Sa puntong iyon, humingi ng tulong ang saksi sa mga kapitbahay subalit pagdating nila sa lugar ay natagpuan na nila ang biktima na wala nang buhay habang naliligo sa sariling dugo at may malalim na saksak sa leeg.
Nakita pa umano ng mga residente ang salarin na naglalakad papatakas patungo sa bulubunduking bahagi ng Barangay Bolo ng nasabi ring bayan.
Ayon sa pulisya, may posibilidad na tinangkang halayin ng suspek ang biktima at nang pumalag ito sa pamamagitan ng pagsigaw at paghingi ng saklolo ay tinuluyang paslangin.
Naglatag na ng manhunt operation ang pulisya laban sa suspek upang agad itong madakip at sampahan ng kaukulang kaso.
- Latest