Nakabaril ng magkapatid, todas sa parak
COTABATO CITY, Philippines — Napatay ng magkasanib na puwersa ng mga pulis at mga barangay tanod sa engkuwentro ang isang lalaki nang pumalag habang inaaresto dahil sa pamamaril sa isang magkapatid sa isang bagong tatag na Bangsamoro municipality sa Cotabato nitong Biyernes.
Sa ulat ng Pikit Municipal Police Station sa Pikit, Cotabato at ng Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region (PRO-BAR), aarestuhin na sana ng mga pulis at mga barangay tanod ang suspek na si Ali Sansaluna matapos makasugat sa pamamaril ng dalawang residente ng Barangay Macabual sa Tugunan, ngunit nanlaban kaya nagkapalitan ng putok na nagsanhi sa kanyang pagkasawi.
Ayon sa mga saksi, bago ang shootout, unang pinagbabaril ni Sansaluna ang magkapatid na etnikong Moro na sina alyas “Tongz” at “Sahdin” sa Barangay Macabual, Tugunan, sakop ng Pikit, Cotabato.
Napatay naman si Sansaluna, taga-Barangay Simone sa hindi kalayuang bayan ng Kabacan, Cotabato ilang minuto lang matapos niyang pagbabarilin ang nasabing magkapatid na kapwa malubhang nasugatan at patuloy na ginagamot sa isang hospital.
- Latest