Sasakyan ng missing Taiwanese, narekober sa Laguna
CAMP VICENTE LIM, Laguna, Philippines — Iniulat kahapon ng pulisya na kanilang narekober sa Laguna ang sasakyan ng negosyanteng Taiwanese na naiulat na nawala sa pagitan ng mga kalsada ng lungsod ng Tagaytay City at Batangas noong Oktubre 10.
Ayon sa imbestigator, ang isang pulang Volkswagen (NFK 9019) ay inabandona ng hindi pa nakikilalang tao sa labasan ng Santa Rosa toll plaza, North bound direction sa loob ng halos isang buwan.
Nagsagawa ng routine inspection ang mga tauhan ng SLEX patroller nang mamataan nila ang abandonadong pulang Volkswagen na kotse na walang pasahero sa kahabaan ng Barangay Santa Cruz sa Santa Rosa City, Laguna noong Nob. 20.
Ang abandonadong sasakyan ay natagpuang walang ignition key na bahagyang nakabukas ang mga bintana at bukas ang mga pinto bago iniulat ng mga tauhan ng SLEX sa Highway Patrol Group-4A para sa imbestigasyon.
Sa imbestigasyon at beripikasyon ng Land Transportation Office-Quezon City, nalaman ng mga imbestigador na ang rehistradong may-ari ng abandonadong sasakyan ay pag-aari ng nawawalang Taiwanese na si Kuo-Wen Hung, 47, isang negosyante at residente ng Multinational Village Moonwalk, Parañaque City.
Noong Disyembre 3, ang narekober na sasakyan ni Hung ay iniulat na ini-turnover sa mga tauhan ng imbestigasyon ng Anti-Kidnapping Group na may presensya ng misis ng nawawalang Taiwanese. Ang kaso ay kasalukuyang ini-refer sa AKG investigator at Santa Rosa Police para sa karagdagang imbestigasyon.
Si Hung ay nananatiling nawawala sa loob ng halos dalawang buwan na habang ang mga probers ay nagsasagawa ng back-tracking investigation upang tuklasin ang kinaroroonan ng nawawalang Taiwanese.
- Latest