2 turistang estudyante hinigop ng ilog, patay!
BAGUIO CITY, Philippines — Dalawang college students mula sa Cagayan na lokal na turista ang patay nang tangayin ng agos at higupin ng ilog habang lumalangoy pabalik sa Sitio Buntoc, Barangay Aciga, Pinukpuk, Kalinga nitong Sabado ng hapon.
Kinilala ng pulisya ang mga biktima na sina Renz Cherlxon T. Mangulad, 20-anyos, 2nd year BS Criminology student ng University of Cagayan Valley at residente ng Barangay Atulayan Sur, Tuguegarao City, Cagayan; at Mark Denver Bunagan, 18-anyos, 1st year BS Marine Transportation student na nagmula sa Lanna, Enrile, Cagayan.
Sa ulat, ang mga biktima na kabilang sa grupong nagmula sa Tuguegarao City, Cagayan, ay namamasyal sa Kalinga Boulders (Big Stones) sa may Barangay Aciga, Pinukpuk nang maengganyo silang maligo dahil sa ganda ng ilog sa lugar dakong alas-3:30 ng hapon nitong Sabado.
Nabatid ng pulisya na tumawid ang grupo sa ilog at nang kanilang marating ang kabilang riverbank, tinangka nilang lumangoy pabalik pero naengkuwentro na nila ang malakas na undercurrent ng tubig.
Sinubukan pang sagipin ang mga biktima ng kanilang mga kasamahan na sina Maroon Calagui at Angelo Espinosa pero nabigo sila dahil sa patuloy na pagbuhos ng tubig sa river water area dahil sa pag-ulan.
Sa tulong ng mga residente sa lugar, narekober ang katawan ng dalawang biktima sa ilalim ng ilog at nakaipit sa dalawang malalaking bato, may ilang oras ang nakalipas.
Agad na isinugod ang dalawang biktima sa pinakamalapit na ospital subalit kapwa sila idineklarang dead-on-arrival.
- Latest