Oil spill ng tanker sa Bataan, umabot na sa Cavite
CAVITE, Philippines — Nababahala ngayon ang mga Caviteño lalo na ang mga residente at mga mangingisdang naapektuhan ng oil spill ng lumubog na oil tanker sa Bataan makaraang umabot na ito sa mga karagatang sakop ng Cavite.
Sa ulat, nakarating na sa bayan ng Tanza at Rosario, Cavite ang oil spill ng MT Terra Nova oil tanker na na may kargang 1.4 milyong litro ng indusrial fuel nang lumubog sa Limay, Bataan noong Hulyo 25.
“OIL SPILL ALERT. Coastal barangays of Ternate, Maragondon, Naic, and parts of Tanza will be affected. Naramdaman na ng bahagya kaninang madaling araw. Papunta na po ang Team Cavite para sa assistance,” ayon sa post ni Cavite Governmer Jonvic Remulla.
Bukod sa pagkalat ng nasabing langis sa karagatan, may hindi magandang amoy na rin ito na nakakaperwisyo na at maaari na ring magdala ng sakit lalo na sa mga bata at matatanda, at sa pagkamatay ng mga isda.
Ang grupo ng Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas (PAMALAKAYA) ay agad na umalma sa naganap na oil spill.
“Nangyari na ang aming kinatatakutan; ang kumalat ang langis sa kalakhan ng Manila Bay at maperwisyo ang kabuhayan ng maraming mangingisda. Dito lamang sa bayan ng Tanza, tinatayang mahigit 5,000 mangingisda ang maaapektuhan kung hindi agarang maaapula ang kumakalat na langis,” ayon sa PAMALAKAYA.
“Habang tila kibit-balikat ang Philippine Coast Guard (PCG) at mga awtoridad sa lawak ng pinsala ng oil spill, matinding pangamba na ang dinaranas ng mga mangingisda ng Manila Bay na hindi pa nga nakakabangon mula sa pananalasa ng bagyong Carina at Habagat,” dagdag pa ni Ronnel Arambulo, PAMALAKAYA vice chairperson.
Maaari na rin itong magdulot sa pagkalason ng mga isda sa karagatan kung saan unang apektado ang mga hanapbuhay ng mga mangingisda.
Samantala, sinabi kahapon ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) na wala pa silang inirerekomendang “fishing ban” sa karagatang apektado ng oil spill ng MT Terra Nova sa karagatang bahagi ng Limay, Bataan.
Ayon kay BFAR Spokesperson Nazario Briguera, maaari pa ring magpatuloy ang pangingisda sa Bataan. Wala rin aniyang dapat ikabahala dahil batay sa kanilang inisyal na mga pagsusuri ay negatibo pa sa traces ng langis ang mga isdang mula sa naturang karagatan kaya ligtas pa itong kainin.
- Latest