15 patay, 13 nasagip sa pagkalunod sa Kabikulan
Sa pag-obserba ng Semana Santa
Legazpi City, Albay, Philippines — Naitala ang 15 katao na nasawi habang 13 ang nailigtas sa pagkalunod mula sa iba’t ibang lugar sa buong Kabikulan nitong nakalipas na obserbasyon ng Semana Santa o mula Abril 4 hanggang Abril 9.
Sa ulat na inilabas ni Lt. Col. Maria Luisa Calubaquib, tagapagsalita ng Camp Gen. Simeon Ola isa ang naitalang nasawi sa Albay na kinilalang si Meril Broqueza Burgos na nalunod habang naliligo sa ilog ng Brgy. Lidong, Sto. Domingo, Albay; apat naman sa lalawigan ng Camarines Norte na sina Kristine Ann Ondes, na nalunod sa Bagasbas Beach Resort sa Brgy. Bagasbas, Daet; Romeo Aragon, na nalunod sa Candelaria Beach Resort sa Brgy. Bagumbayan, Paracale; Ronald Abanes Dawi na nasawi sa ilog ng Brgy. Poblacion Norte, Paracale; at Jose David Doma, na namatay rin sa pagkalunod sa Brgy. Camagsaan, Capalonga.
Pinakamaraming nasawi sa lalawigan ng Camarines Sur na may walo. Patay si Noel Olino sa isang Beach 22 Resort sa Brgy. Balogo sa bayan ng Pasacao; Tom Rayven Felices sa Sta. Justina, Buhi; ang 8-taong gulang na si Rommel Bagadiong na nalunod sa paliligo sa dagat ng Brgy. Balogo, Pasacao; habang una ring naiulat ang pagkasawi ng anim na magkakamag-anak sa Dolo Beach ng Brgy. Dolo, San Jose na sina Rizza Hermosa; Jhona Hermosa; Ashley Hermosa; Rhea Pino; Rafael Pino; Regine Pino; habang nailigtas ng rescue team si Jean Rose Pino; nasagip din ang Indian national na si Mannatveer Kaur Brar sa pagkalunod sa Winwin Resort sa Brgy. Del Rosario, Pamplona;
Isang bakasyonista ang naitala rin sa pagkalunod sa Matnog, Sorsogon kamakalawa makaraang lumubog dahil sa sinasabing pagiging overloaded ng sinasakyan nilang motorbanca sa karagatang sakop ng Subic Small sa Brgy. Calintaan, Matnog, Sorsogon habang patungong Poblacion, Matnog.
Kinilala ang nasawi na si Daniel Bacolod Delmo, 61-anyos, residente ng Galvez St., Pasay City. Masuwerte namang nailigtas ang 11 pang sakay ng motorbanca matapos rumesponde ang mga tauhan ng Philippine Coast Guard saka isinugod sa Matnog Medicare Hospital
Lumalabas sa imbestigasyon na hindi rehistrado sa Matnog Tourism Office ang bangka na sinakyan ng mga biktima at walang lisensya upang bumiyahe sa karagatan.
- Latest