Sundalo natagpuang nakabulagta sa Rizal
MANILA, Philippines — Isang sundalo ang natagpuang patay at may tama ng bala sa ulo sa San Mateo, Rizal kamakalawa.
Isang tama ng bala sa ulo ang ikinasawi ng biktima na si Corporal Christian Bataller Tapia, 30, miyembro ng Philippine Army, Intel operative ng 80 Infantry Brigade (IB) at residente ng Saint Joseph St., Sampaloc, Tanay, Rizal.
Sa ulat ng San Mateo Municipal Police, alas-10:00 ng umaga nang madiskubre ang bangkay ng biktima sa Timberland Avenue, sa Brgy. Malanday, San Mateo.
Huli umanong nakitang buhay ang biktima habang lulan ng kanyang kulay gray na Raider 150 motorcycle at pumasok sa gate (Base 2) ng Timberland Heights.
Maya-maya ay nakarinig na lang ng putok ng baril ang security guard na si Federico Silloga Jr., OIC Security Guard ng Steelhawk Security Agency, kaya’t kaagad na pinuntahan at dito niya nadiskubre ang bangkay ng biktima na nakahandusay sa kalsada at may tama ng bala sa ulo kaya’t inireport sa mga awtoridad.
- Latest