4 sakay ng lumubog na bangka nakaligtas dahil sa Facebook
Alabat, Quezon, Philippines — Nakaligtas sa tiyak na kapahamakan ang apat na sakay ng isang lumubog na bangka matapos na mabasa ang kanilang paghingi ng saklolo sa Facebook kamakalawa ng gabi sa karagatang sakop ng Lamon bay sa bayang ito.
Kasalukuyang kinakalinga sa Alabat District Hospital sina Godfrey Almojar, 45, boat captain; Rolly Onoya, 20; Mark Aron Madrimafe, 18; at Engelbert Magon, 44, pawang residente ng Alabat, Quezon.
Ayon sa ulat ng pulisya, sakay ang mga biktima sa B/V Fren at patungo sa Alabat Island mula sa Atimonan port nang hampasin sila ng malalaking alon dakong alas-7:00 ng gabi.
Bandang alas-8:00 ay nakatanggap ng post sa Facebook si Ays Canimo tungkol sa paghingi ng tulong ng mga biktima.
Mabilis na tinungo ng mga kawani ng Alabat Disaster Risk Reduction Management Office (DRRMO) ang karagatan at naabutan nilang palutang-lutang sa tubig dagat ang apat kung kaya’t agad na ni-rescue.
- Latest