Pulis todas sa ambush sa Albay
LEGAZPI CITY, Albay, Philippines — Bulagta ang isang pulis matapos abangan at pagbabarilin ng apat na armadong mga suspek sa Sitio Agna, Brgy. Homapon, sa lungsod na ito, kahapon ng umaga.
Napuruhan ng punglo sa ulo at iba’t ibang bahagi ng katawan na agarang ikinasawi ng biktima na kinilalang si Staff Sgt. Abel Sevilla, may-asawa, residente ng naturang lugar at nakatalaga sa Taysan Community Police Assistance Center 4, sa Brgy.Taysan, Legazpi City.
Hindi naman nakilala ang apat na gunmen na mabilis na nakatakas sakay ng isang motorsiklo at tricycle patungo sa direksyon ng Centro-Homapon.
Sa ulat, dakong alas-7 ng umaga galing sa kanilang bahay ang biktima sakay ng kanyang motorsiklo at binabagtas ang kahabaan ng national highway patungo sanang kanugnog na barangay upang mag-duty sa Taysan CPAC 4 ng Legazpi City PNP. Gayunman, pagdating sa lugar na ‘di kalayuan lang sa kanilang bahay ay bigla itong sinalubong ng mga putok ng mga suspek.
Nang bumagsak pataob ay nilapitan pa ang biktima ng mga suspek at pinutukan muli sa ulo para siguruhing patay ito.
Ayon sa ilang saksi, madaling araw pa lang ay naka-abang na ang mga gunmen at ilan sa kanila ay nakipagkwentuhan pa sa ilang walang kamalay-malay na residente.
Nakuha sa lugar ang ilang basyo ng kalibre 45, kalibre 9mm at M16 armalite rifle. Patuloy pa sa ginagawang imbestigasyon ang mga pulis para matukoy ang pagkakakilanlan at motibo ng mga suspek sa pamamaslang.
- Latest