Storm surge nanalasa sa ilang lugar sa Bicol
LEGAZPI CITY, Albay, Philippines — Ginulantang ang maraming residente malapit sa mga baybayin ng ilang bayan at lungsod sa Albay, Catanduanes at ilang lalawigan sa Kabikolan matapos na umaga pa lamang ay bumungad na sa kanilang pagising kahapon ang naglalakihang alon o storm surge na umabot hanggang 2-3 metro o higit pa habang papalapit pa lamang at hindi pa tumatama ang bagyong Pepito sa Kabikolan.
Sa Virac, Catanduanes ay umakyat ng seawall at umapaw sa mga kalsada ang malalakas na alon na nagdulot ng pangamba sa mga residente habang pinasok na ng tubig-dagat ang mga kabahayan sa Brgy. Marinawa, Bato at ilan pang mga lugar dahil sa mga daluyong.
Sa Albay, ayon kay Provincial Engineer Dante Baclao, officer-in-charge ng Albay Provincial Safety and Emergency Management Office, sumabay ang high tide ng karagatan sa pagtaas ng alon kaya malayo pa ang bagyo ay nagkaroon na ng storm surge sa Brgy. Puro, Legazpi City; Brgy. Morocborocan, Rapu-Rapu; Brgy.Jonop, Malinao; sa Brgy. Lourdes sa bayan ng Tiwi.
Maging ang pinaglalamayang bangkay ay mabilis na binuhat ng mga kaanak at residente at kasamang inilikas sa Tiwi.
Dahil sa maraming residente na nagmatigas at hindi sumunod sa preemptive evacuation noong maghapon ng Biyernes, kaya ipinatupad na ang force evacuation kahapon, ilang oras bago maramdaman ang bagyo.
Sa bayan ng Guinobatan, pinaputulan ni Mayor Chino Garcia ng kuryente ang Brgy. Tandarora at Maninila na nasa paanan ng Bulkang Mayon para mapilitan ang mga residenteng lumikas na.
- Latest