Singil sa kuryente, ibinaba sa Olongapo City at Zambales
MANILA, Philippines — Bababa ang singil sa kuryente sa lungsod ng Olongapo at lalawigan ng Zambales matapos ang isang pulong sa pagitan ng mga opisyales ng mga electric cooperatives, pribadong power distributor, power producer at kinatawan ng Zambales na si 1st District Cong. Jefferson Khonghun.
Sa naturang pulong ay napagkasunduang P2.00 per kilowatthour (kwh) rate ang minimum na ibababa ng Zameco I, samantalang aabot sa P4.00/kwh ang ibababa ng Zameco II.
Sakop ng Zameco I ang mga bayan ng Botolan, Iba, Palauig, Masinloc, Candelaria at Sta. Cruz habang saklaw naman ng Zameco II ang mga munisipalidad ng Subic, Castillejos, San Marcelino, San Antonio, San Narciso, San Felipe at Cabangan ng lalawigang Zambales.
Sa lungsod ng Olongapo na sineserbisyuhan ng Olongapo Electricity Distribution Co. (OEDC), magbababa ng P2.00/kwh ang naturang kumpanya para sa mga konsyumer nito.
Ang naturang kasunduan ay maituturing na “long term basis” kahit tumaas pa umano ang presyo ng coal.
Ipatutupad umano ang bawas-presyo simula ngayong linggo.
Bagama’t may naganap na pulong sa pagitan ng mambabatas at mga electric cooperatives, private distributor at power producer ay itutuloy pa rin umano ang nakatakdang imbestigasyon ng House Committee on Energy hinggil sa dating mataas na singil sa kuryente.
- Latest