10-anyos nagtampisaw sa ilog, patay sa kuryente
SORSOGON CITY, Sorsogon, Philippines — Hindi na umabot nang buhay sa pagamutan ang isang 10-anyos na batang babae matapos makuryente habang naliligo sa ilog ng Sitio Agriville, Brgy. Cabid-an, East District ng lungsod na ito kamakalawa ng hapon.
Kinilala ang biktima na si Ana Christina Pareja Ducay, Grade 6 pupil at residente ng Brgy. San Ramon, Bacon District, Sorsogon City.
Sa ulat, nagkayayaan ang biktima at isa sa kanyang kalaro na maligo sa ilog sa kalapit na barangay.
Gayunman, habang nagtatampisaw ang dalawang paslit ay aksidenteng nahawakan ng isa ang nakabitin na kable ng kuryente sa isang kubo sa may tabi ng ilog.
Bunsod nito, agad nangisay ang biktima na mabilis namang nasaklolohan ng mga residente at isinugod sa Metro-Health Hospital pero idineklarang dead-on-arrival.
- Latest