Antigen ‘self-test’ itinutulak sa Baguio
BAGUIO CITY, Philippines — Pinaplano ngayon ni Baguio City Mayor Benjamin Magalong ang paggamit ng antigen “self-test” kits sa lungsod upang mapabilis ang pag-detect at paghawak sa mga kaso ng COVID-19 at sa nakahahawang Omicron variant kasabay ng muling paglaganap ng impeksyon sa bansa.
Nabatid na naghahanda na ang lokal na pamahalaan ng Baguio upang ipakilala sa kanilang mamamayan ang naturang “easy-to-use home testing method” na mabisang ginamit sa ibang bansa.
Ayon kay Magalong, magsisilbing “pilot site” ang Baguio City sa naturang programang pangkalusugan kapag naaprubahan ito.
“Our city could be the pilot site for this do-it-yourself testing kits that are widely used in the US, Canada, Europe and Singapore,” pahayag ni Magalong.
Ayon kay Magalong, nagpahayag na ng suporta sa kanyang planong programa si testing czar Vince Dizon. Hihilingin din umano niya ang pahintulot ng National Task Force for COVID-19 sa ilalim ni Chief Implementer Sec. Carlito Galvez Jr.
Paliwanag pa ng alkalde, malaking tulong ang antigen self-test upang mabawasan ang tsansa ng hawahan ng COVID-19.
Aniya, ang mismong tao na nakararamdam ng sintomas ay maaari nang suriin ang sarili sa loob ng kanyang tahanan nang hindi na pupunta pa sa mga health facilities para hindi na malantad at makahawa pa sa ibang tao sakaling positibo sa sakit.
- Latest