28 arestado sa illegal fishing
MARIVELES, Bataan, Philippines — Huli sa akto ang 28 tripulante na lulan ng dalawang bangka matapos maaktuhan ng mga nagpapatrulyang pulis na iligal na nangingisda gamit ang “Sudsud o Kaladkad” sa karagatang sakop ng Barangay Ipag ng bayang ito.
Batay sa ulat, nabisto ang iligal na operasyon ng dalawang commercial fishing boat makaraang isumbong umano sa mga otoridad ng mangingisda sa lugar na nakakita nito sa laot, kaya nagkasa ng operasyon ang magkasanib pwersa ng Maritime Police Station at Mariveles Police Station sa pamumuno at superbisyon nina Police Major Leoncio Alcantara at Lt. Col.Gerald Gamboa kung saan huli sa akto ang mga tauhan ng dalawang fishing boat na nagsasagawa ng iligal na pangingisda sa karagatan sakop ng naturang lugar.
Magkalapit lang umano ang dalawang fishing boat nang maabutan ng mga otoridad at maaktuhan na kabababa pa lamang umano sa tubig ang kanilang gamit na pang-sudsud o kaladkad at lambat para simulan na sana ang iligal na paraan sa pangingisda nang abutan ng mga pulis.
Mahigpit na ipinagbabawal sa batas ang mga commercial fishing boat o trul o uri ng isang malaking bangka sa pangingisda sa mga sakop ng municipal waters sa bansa at higit pa lalo sa paggamit ng sudsod o kaladkad kung saan sinisira nito ang mga sea corals na binabahayan at pinangingitlugan ng mga isda na pinangangambahang posibleng maubos dahil sa mga iligal na paraan ng pangingisda.
Nahaharap sa kasong paglabag sa Anti-Illegal Fishing Act ang mga may-ari ng bangka at dalawang kapitan nito kabilang na ang mga tripulante ng dalawang commercial fishing vessel. Nasa pag-iingat na nang pulisya ang dalawang fishing boat na may mga markang “Sweet Lyris at Tre Niñas” at mga gamit sa iligal na pangingisda.
- Latest