Kapitan ginulpi sa rambol, 5 suspek arestado
GABALDON, Nueva Ecija, Philippines — Inaresto ang limang kalalakihan kabilang ang tatlong menor-de-edad makaraang abutan ng mga pulis habang pinagtutulungan umanong bugbugin ang isang barangay captain at dalawang iba pa sa Brgy. Camachile, dito, noong Sabado ng gabi.
Kinilala ng Gabaldon Police ang mga nahuling suspek na sina Ramon Ordinario, 39, may-asawa; Jason Ordinario, 18, at tatlong kabataang lalaki na hindi pinangalanan ng pulisya, na pawang mga nakatira sa nasabing barangay.
Nakilala naman ang mga biktima na sina Brgy. Camachile Chairman Alberto Makiling; at mag-amang Manuel Gines, Sr., 64; at Manuel Gines, Jr., 36; pawang ng nasabi ring lugar.
Ayon sa pulisya, alas-9:45 ng Sabado ng gabi nang kanilang respondehan ang tawag na may rambulan umanong na- gaganap sa nasabing lugar at nang dumating sila roon ay huli umano nila sa akto na ginugulpi ng 5 suspek ang grupo ni kapitan.
Agad na dinakip ang limang suspek at dinala sa kanilang istasyon.
Nagsagawa rin umano ng body search sa mga suspek kung saan nakuhanan umano si Jason ng 2 plastic sachet ng pinatuyong dahon ng marijuana, habang si Ramon Ordinario ay nakuhanan ng 1 plastic sachet ng pinatuyong dahon ng marijuana, na may total timbang na 0.15 gramo at halagang P1,500.
Patung-patong na kasong direct assault, attempted homicide at paglabag sa Article 2, Section 11 ng R.A. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang ikinaso sa dalawa, habang nakatakdang ilipat sa Municipal Social Welfare Office ang tatlong kabataang suspek.
- Latest