Armoured van sinuwag ng truck, nagliyab: Teller dedo, 3 sugatan
NUEVA ECIJA , Philippines — Dahil umano sa halos zero visibility na dulot ng grass fire, nabangga ng isang trak ang sinusundan nitong armoured van sanhi upang magliyab na ikinasawi ng isa at ikinasugat ng tatlong iba pa sa kahabaan ng Tarlac-Pangasinan-La Union Expressway (TPLEX) sa Brgy. Villaflores, Cuyapo, dito sa lalawigan noong Martes ng hapon.
Kinilala ng pulisya ang nasawi na si Dhen Coeli Leyson, pickup teller ng UCPB at tubong San Fernando, Pampanga habang nilalapatan ng lunas sa Loving Mother General Hospital sa Tarlac City ang mga kasamahan na sina Virgilio Bulanadi, 43, driver, at mga pasahero nitong sina Romeo Ragunos at Louie Capinpin.
Ang drayber ng nakabanggang Isuzu truck, may plakang RJL-325 ay nakilala namang si Manuel Alunes, 28, may-asawa ng Buguias, Benguet nasukol ng mga operatiba ng Rosales Police sa Pangasinan
Sa ulat, alas-3:41 ng hapon, binabagtas ng armoured van ng UCPB ang KM163+100 ng TPLEX na patungong Maynila nang bigla umanong dumilim ang paligid at halos zero visibility dulot ng usok mula sa grass fire ng katabing taniman ng palay. Inihinto umano ng drayber na si Bulanadi ang kanilang sinasakyang armoured van sa lane 2 pero dumaan din sa naturang linya ang trak at mabundol ito. Sa lakas ng impact, nahulog ang armoured van sa malalim na pilapil at agad na nagliyab. Nakalabas ang drayber at dalawang iba pang sakay nito habang si Leyson na maaari umanong nawalan ng malay ay naiwan sa loob ng sasakyan at hindi agad nakuha ng mga sugatan nitong kasama hanggang sa bawian ng buhay.
- Latest