Itigil ang karahasan sa Mindanao! – Obispo
NORTH COTABATO, Philippines — Matapos ang sunud-sunod na pambobomba sa Mindanao, isang Obispo sa Kidapawan City ang nanawagan na itigil na ang karahasan sa lugar.
“Itigil ang karahasan, palitan ng kabutihang gawa at pagmamahalan,” ayon kay Bishop Jose Collin Bagaforo matapos makapanayam ng PSN.
Ginawa ng Obispo ang pahayag matapos ang sunud-sunod na pagsabog sa Jolo, Sulu; Zamboanga City at maging sa North Cotabato.
Hinihiling ng Obispo sa iba’t ibang panig na irespeto ang hangarin ng bawat isa, na magkaroon ng marangal at tahimik na pamumuhay. Aniya, sa kabila ng maraming kaguluhan sa lipunan ay ‘wag pa ring kalimutan ang pagdarasal at ‘wag magpadala sa karahasan.
Pakiusap pa ng Obispo sa magkabilang panig, militar man o sa mga armado na lumalaban sa gobyerno, na itigil na ang kaguluhan at magkaisa na magdasal upang masugpo na ang kaguluhan sa Mindanao.
Samantala, ipinaaabot din ng Simbahang Katolika rito sa mga mamamayan na magkaroon ng malawak na pag-intindi sa pagmamahal ng Diyos sa lahat, ipakita ang malasakit at ang pagpapatawad sa mga nagkasala.
Ngayong darating na eleksyon, importanteng piliin umano ang mga servant leaders na siyang dedetermina at bibigyang halaga ang pagpapatakbo sa susunod na mga henerasyon.
- Latest