4 utas, 10 huli sa Comelec checkpoint!
Unang araw ng ‘gun ban’
TUGUEGARAO CITY, Cagayan - Apat na armadong lalaki ang napatay sa magkakahiwalay na engkwentro laban sa mga pulis sa unang araw ng implementasyon ng Comelec gun ban checkpoint sa iba’t ibang bahagi ng Central Luzon kahapon.
Sa report na ipinalabas ni Chief Supt. Joel Coronel, Central Luzon Police director, dalawang ’di kilalang lalaki ang napaslang sa checkpoint ng Brgy. Graceville, San Jose del Monte City, Bulacan matapos makipagratratan nang tumangging ihinto ang kanilang motorsiklo dakong-alas 1:15 ng madaling araw. Isang cal. 45 pistol at paltik na cal. 38 revolver ang narekober sa mga napatay na suspek.
Samantala sa Angat, Bulacan, nasabat sa checkpoint sina Cristopher Dela Torre, 43, at Ronnie Noto, 36, lulan ng motorsiklo saka pinahinto at habang sinisiyasat ay napansin ang nakalawit na bala ng 9mm kalibre sa braso ng isang rider. Nang hanapan sila ng dokumento ay walang maipakita kaya tuluyan silang inaresto. Arestado rin ang walong iba na nakasakay sa isang traysikel na kolong-kolong na nagtataglay ng open pipe na tambutso dahil napatunayang pawang lango sa alak.
Sa San Antonio, Nueva Ecija, napatay din ang isang ‘di pa nakikilalang armado na nanlaban sa checkpoint sa Brgy. Luyos dakong alas-5:50 ng umaga. Isang cal. 38 revolver na paltik ang narekober sa suspek.
Sa Gapan City, bumulagta pa ang isa sa dalawang karnaper matapos na makipagbarilan sa mga nakabantay na pulis sa checkpoint sa Brgy. Sto. Cristo Norte.
Ayon kay Coronel, nakatakas ang isa sa mga karnaper na kapwa noon nagmamaneho ng tig-isang motorsiklo. Nasamsam sa napatay ang isang cal. 38 revolver, dalawang sachet ng shabu at motorsiklong pag-aari ni Keanu Nuñez na nagreport sa insidente.
- Latest