Police colonel utas sa ambush!
Live-in partner kritikal
MANILA, Philippines — Isang police colonel na abogado ang nasawi habang malubhang nasugatan ang live-in partner nito matapos silang tambangan at paulanan ng bala ng mga riding-in-tandem sa Antipolo City, Rizal kahapon ng umaga.
Kinilala ang nasawing opisyal na si Supt. Ramy Tagnong, hepe ng Regional Legal Affairs ng Police Regional Office (PRO) IV-A, (Calabarzon) at residente ng #73 YCM compound, Brgy. Mahabang Parang, Angono, lalawigang ito.
Si Tagnong ay idineklarang dead-on-arrival sa Antipolo Doctors Hospital sanhi ng mga tama ng bala sa katawan. Patuloy namang inoobserbahan sa pagamutan ang live-in partner nitong si Maria Angela Cabaltera Hadap, 36, na nagtamo ng tatlong tama ng bala sa katawan.
Sinabi ni Calabarzon Police Director, Chief Supt. Guillermo Eleazar, dakong alas–6:40 ng umaga habang lulan ng kanilang kulay pulang Toyota Innova ang mga biktima nang sabayan ng mga suspek lulan ng kulay pula at itim na Kawasaki Rouser saka pinagbabaril nang malapitan sa loob ng kanilang sasakyan pagsapit nila sa kahabaan ng highway ng Brgy. Dalig 1, Antipolo City.
Matapos ang pamamaslang sa opisyal, mabilis na nagsitakas ang mga salarin patungo sa hindi pa malamang destinasyon.
Ani Eleazar, patungo ang mga biktima sa Quiapo church upang magsimba para sa panata nila sa Itim na Nazareno nang mangyari ang insidente.
- Latest




















