2,000 parak idineploy sa Masbate vs armed groups
LEGAZPI CITY, Albay, Philippines — Aabot sa 2,000 pulis na bubuo sa Regional Special Operation Task Group (RSOTG) mula sa Police Regional Office 5 na nakabase sa Camp Gen. Simeon Ola, sa lungsod na ito ang ipinadala sa lalawigan ng Masbate laban sa mga armed groups na magtatangkang manabote sa nalalapit na Barangay at Sangguniang Kabataan (SK) elections.
Ang RSOTG ay pinangungunahan bilang task group commander ni Sr. Supt. Jerry Linsagan, ang deputy regional director for operation ng PRO5.
Ayon kay Senior Inspector Ma. Luisa Calubaquib, tagapagsalita ng Bicol Police, kasama sa ipinadala sa Masbate ang isang company-sized na Special Action Force na nagmula sa Camp Crame.
Maliban dito, makakatuwang din ng RSOTG ang mga sundalo mula sa Philippine Army lalo na sa paghabol sa mga pinaniniwalaang mga private armed groups sa lalawigan.
Bahagi ng paghahanda ay pansamantala munang pinalitan ni Regional Director P/chief Supt. Antonio Gardiola Jr. ang nakaupong provincial director ng Masbate na si Sr. Supt. Froilan Elopre at itinalaga siya sa loob ng regional headquarters.
Pinalitan si Elopre ni Sr. Supt. Foilan Navarrosa na uupo bilang OIC provincial director sa buong panahon ng halalan.
- Latest