2 estudyante nilamon ng ilog
NUEVA ECIJA , Philippines - Kapwa nasawi ang dalawang dalagita na pawang Grade 8 student makaraang malunod sa malalim na bahagi ng Labong River sa Sitio Labong, Purok 7 sa Brgy. Sta. Rita, Quezon ng lalawigang ito, kamakalawa. Sa ulat kay P/Sr. Supt. Antonio Yarra, provincial police director, kapwa namatay ang magkaklaseng sina Gizelle Ocampo, 13, ng Purok 5, Brgy. Bertese, Quezon, NE; at Kathleen Joy Valdez, 13, ng Purok 7, Brgy. Pulong Bahay, Quezon, NE, nang malunod sa nasabing ilog. Habang naka-lunch break ay nagpasyang maligo sa nasabing ilog ang dalawang biktima at iba pa nilang kaklase ng alas-12:10 ng tanghali. Hindi nagtagal, napansin na lumubog ang dalawang biktima at tila nalulunod. Sa takot na malunod din ay humingi na lang ng tulong ang mga kaklase ng dalawang biktima sa mga residente roon. Agad namang narekober ang katawan ng dalawang magkaklase at isinugod sa Sto. Domingo District Hospital subalit kapwa idineklarang dead-on-arrival.
- Latest