2 NBI men ‘nagsabong’, 1 patay
MANILA, Philippines - Dahilan lamang sa alitan sa pusta sa sabong, nasawi ang isang security member ng National Bureau Investigation matapos pagbabarilin ng nakabanggang NBI intelligence officer sa isang cockpit arena sa Capas, Tarlac kamakalawa ng gabi.
Sa ulat ni Police Regional Office (PRO) 3 Director P/Chief Supt. Aaron Aquino, kinilala ang nasawing biktima na si Lavernie Vitug, 53 anyos, security officer ng NBI Tarlac, residente ng # 4312 Don Gregorio Avenue, San Sebastian, Tarlac City.
Pinaghahanap naman ang suspek na si Boy de Castro, nasa hustong gulang, intelligence officer ng NBI-Manila na ang huling address ay sa Green Village, Concepcion, Tarlac.
Bandang alas-6:20 ng gabi nang maitala ang pamamaril sa Triple 888 Cockpit Coliseum sa nabanggit na lugar.
Ayon sa imbestigasyon, nagkaroon ng pagtatalo sina de Castro at Vitug sa loob ng nasabing cockpit arena sa pustahan sa sabong dahilan sa pagtaya ng huli na nakasuot pa ng uniporme ng NBI.
Sa gitna ng pagtatalo matapos umanong hamunin ng biktima ang suspek na ilabas ang NBI badge nito na kinuha nito sa kaniyang nakaparadang behikulo at tinungo ang kinaroroonan ng suspek na pinaputukan nito.
Napuruhan naman ng tama ng bala sa katawan si Vitug na siya nitong dagliang ikinamatay habang mabilis namang tumakas ang suspek.
Nagsasagawa na ng follow-up investigations ang mga awtoridad sa kasong ito.
- Latest