2 utas, 4 arestado sa drug operation
BULACAN, Philippines – Dalawang drug suspek ang napatay habang apat naman ang nasakote sa ipinatupad na panibagong “One Time Big Time Operation” ng pulisya sa mga bayan ng Plaridel, Bocaue, at Meycauayan City sa Bulacan noong Lunes ng madaling araw.
Kinilala ang mga napatay na sina Restituto “Lakay” Ramos, 51, ng Brgy. Parulan sa bayan ng Plaridel; at Armando “Nognog” De Guzman, 32, ng Bancal Ext., Brgy. Bancal sa Meycauayan City.
Samantala, nakatakdang kasuhan ang mga suspek na sina Reynaldo Lopez, 47, ng Brgy. San Jose, Plaridel; Mark Johan Flores, 27, ng Brgy. Turo sa bayan ng Bocaue; Abby Capistrano, 19; at si Alex Lingahan, 24 mga residente sa nasabing barangay.
Ayon kay P/Supt. Julio Lizardo, ang mga suspek ay inaresto sa bisa ng search warrant na inisyu nina Judge Sita Jose-Clemente ng RTC Branch 16 sa Malolos City; Judge Crisostomo Dañgilan ng RTC Branch 21 at Judge Olivia Escubio-Samar ng RTC Branch 79 sa Malolos City.
Nasamsam sa mga suspek ang cal.38 revolver, cal.22 revolver, cal.45 pistol, converted 12 gauge shotgun, cal.40 pistol, granada, 19 plastic sachet ng shabu, dalawang digital weighing scale, mga drug paraphernalia, at limang motorsiklo na sinasabing sinikwat.
- Latest