Bank supervisor na tumangay ng P29-M, tiklo
MANILA, Philippines – Arestado ang ika-6 most wanted person na tumangay ng P29 milyon mula sa Phil. Veterans Bank sa isinagawang operasyon ng mga operatiba ng PNP-Criminal Investigation and Detection Group sa Barangay Esperanza Ibaba sa bayan ng Alfonso, Cavite noong Miyerkules.
Nakatakdang kasuhan ang suspek na si Arthur Gadon, ex-bank cashier supervisor sa nasabing banko at nakatala bilang No.6 most wanted sa nasabing bayan. Sa police report na isinumite sa Camp Crame, ang suspek ay inaresto sa bisa ng warrant of arrest sa dalawang kaso ng qualified theft na inisyu ni Judge Mona Lisa Tiongson-Tabora ng Manila Regional Trial Court Branch 21 na walang piyansa. Base sa record ng pulisya, ang suspek ay bank cashier supervisor sa nasabing banko sa Legaspi Village, Makati City na pinatalsik matapos itong makipagsabwatan sa 2 bank tellers at loan bookkeeper sa pagnanakaw ng P29 milyon noong Disyembre 2014. Nagtago na si Gadon sa iba’t-ibang lugar sa bayan ng Alfonso, Cavite at Metro Manila matapos sampahan ng kaso.
- Latest