P.2-M reward sa Zamboanga bus bomber
MANILA, Philippines – Nagpalabas na kahapon ng P200,000 reward ang pamahalaang lungsod ng Zamboanga para sa sinumang makapagbibigay ng impormasyon sa ikaaaresto ng natukoy na grupo ng Abu Sayyaf Group (ASG) urban terror squad na nasa likod ng madugong pambobomba sa terminal ng bus na kumitil ng buhay ng isang 14-anyos na dalagita at ikinasugat ng 33 iba pa kamakalawa.
Kasabay ng pagbibigay ng pabuya, sinabi ni Zamboanga City Police Spokesman Chief Inspector Joel Tuttuh na bumuo na ng task group sa pamumuno ni City Police Director P/Sr. Supt. Angelito Casimiro upang magsagawa ng masusing imbestigasyon sa kaso.
“Ang tinitingnan po namin sa ngayon ay hindi taga-Zamboanga City ang bomber. Dalawang lugar po ang tinitingnan na pinanggalingan niya, either Basilan or Jolo,” ayon kay Tuttuh dahil ang nasabing mga lugar ay pawang baluwarte ng mga bandidong Abu Sayyaf.?
Ayon pa kay Tuttuh, ginagawa na ng pulisya ang cartographic sketch ng bomber sa pamamagitan ng paglalarawan ng mga testigo at video records ng Closed Circuit Television (CCTV) camera na nakakabit sa terminal. Nakunan ng dalawang CCTV camera ang suspek pero isa lang dito ang malinaw ang kuha sa itsura ng hinihinalang bomber.
“Nag-aantay siya (suspect) sa terminal, nakunan na pabalik-balik... Una, galing sa likod ng isang bus at naglakad palabas, then pagdating ng isa pang bus ay doon siya umakyat, may dalang supot. After 1 minute and 20 seconds, bumaba na siya na walang dalang supot, then after a short while, sumabog na ‘yung bus na ‘yun,” ani Tuttuh.
Sa report naman ni Col. Nixon Fortes, Commander ng Task Force Zamboanga ang grupo ni Abdul Aziz, ng Abu Sayyaf urban terror squad ang nasa likod ng madugong pambobomba sa Biel Transit na may body number 1641 at plakang JVN 978. Habang nagbababa ng pasahero ang nasabing bus sa Labuan terminal sa Murga compound, Brgy. Zone 1 ng lungsod nang isagawa ang pagpapasabog dakong alas-2:15 ng hapon. Ang bomba ay itinanim sa ikatlong upuan ng bus.
Kinumpirma rin ni Insp. Dahlan Samuddin, spokesman ng Police Regional Office (PRO) 9 na nakilala na ang 14-anyos na dalagitang si Fatima Alipara, na idineklarang dead-on-arrival sa Zamboanga City Medical Center. Sa 33 katao na nasugatan, tatlo pa ang nasa kritikal na kondisyon kabilang ang isang babaeng estudyante sa kolehiyo na si Criss Anne Escariz, 17 anyos.
Nauna sa pambobomba, nangongotong umano ng malaking halaga ang grupo ni Abdul Aziz sa may-ari ng Biel Transit at nagbanta na kung hindi magbibigay ay kanilang isasabotahe ang negosyo nito.
Ang terror squad ni Abdul Aziz ay natukoy na sangkot sa serye ng terorismo sa lungsod at iba pang lugar sa Zamboanga Peninsula.
- Latest