7 nag-facebook sa indiscriminate firing, kinasuhan
MANILA, Philippines – Pitong pasaway na trigger happy na nag-facebook ng indiscriminate firing sa pagsalubong sa Bagong Taon ang kinasuhan na ng PNP sa bayan ng Narvacan, Ilocos Sur.
Kabilang sa mga suspek na pinaghahanap ay sina Philip Andrew Lutchina Funtanilla na may account na Drew Lutchina; Mark R-Jay Cabana, Jumar Cabreros, Ian Cristopher Calixterio, Russel Funtanilla, at si Geronimo Gomez na pawang nakatira sa Barangay San Antonio sa nasabing bayan.
Sa ulat ni Ilocos Sur PNP Director P/Senior Supt. Nestor Felix, pormal na kinasuhan ang mga natukoy na suspek sa Narvacan Municipal Circuit Regional Trial Court.
Nabatid na nagulantang ang taumbayan sa ipinosteng video at mga larawan sa facebook ni Drew Lutchina na ipinagmalaki pa ang hawak na mga cal. 45 pistol, mga basyo ng bala ng M16 rifles na ginamit ng mga ito sa indiscriminate firing.
Sa press briefing sa Camp Crame, sinabi naman ni P/Chief Supt. Wilben Mayor, hindi sapat ang video at larawan ng mga suspek na sangkot sa indiscriminate firings upang mapagtibay ang kaso laban sa mga ito.
“Mahalaga na may lumutang na testigo at magreklamo laban sa mga suspek na sangkot sa krimen,” pahayag pa ani Mayor.
Nanawagan din ang opisyal sa sinumang nakasaksi sa indiscriminate firing na lumutang at makipagtulungan sa mga awtoridad.
- Latest