Mayor, misis hinoldap ng tandem
BATANGAS, Philippines – Umaabot sa P.330 milyong cash ang natangay sa mayor ng Northern Samar at misis nito matapos silang holdapin ng riding-in-tandem sa Lipa City, Batangas noong Lunes ng hapon.
Ayon kay Batangas PNP director P/Senior Supt. Omega Jireh Fidel, katatapos lang mag-withdraw ng P330, 000 sina Biri town Mayor Antonio Delos Reyes, Jr. at asawa nitong dentista na si Amelita at hipag na si Myrna Pagcaliwangan sa sangay ng LandBank of the Philippine sa Barangay Maraouy nang lapitan at holdapin ng di-kilalang kalalakihan.
Nabatid na papauwi ang mga biktimang lulan ng traysikel na minamaneho ni Eduardo Mersan nang banggain ang hulihang bahagi ng kanilang sasakyan ng riding-in-tandem pagsapit sa bahagi ng San Nicolas Street sa Barangay Balintawak.
Nang bumaba si Mersan para usisain ang naging damage ng kanyang traysikel, bigla silang tinutukan ng baril ng tandem saka nagdeklara ng holdap.
Hindi na nakapalag sina Mayor Delos Reyes at mga kasamahan nito kung saan payapang ibinigay ang kanilang bag na naglalaman ng malaking halaga.
Gayon pa man, nagawa namang makipag-agawan ng bag si Mersan sa mga holdaper hanggang sa barilin ito ng isa sa dalawa kung saan isinugod ito sa Lipa City District Hospital matapos tamaan sa kaliwang bahagi ng katawan.
Nilimas din ng mga holdaper ang P30,000 ng mga biktima, apat na cellphones, mga identification cards at dokumento.
Sina Mayor Delos Reyes at ang asawa nito ay nagbabakasyon sa Batangas nang maganap ang krimen habang si Amelita ay native ng Lipa City at ang hipag nitong si Pagcaliwangan ay misis ni Chairman Lito Pagcaliwangan ng Barangay Balintawak.
- Latest