Mag-ama niratrat habang namamasada
CAMP SIMEON OLA, Legazpi City, Philippines — Patay ang isang mister at anak nitong binata matapos na pagbabarilin ng di-nakikilalang suspek nang parahin ang kanilang ipinapasadang pampasaherong jeep kamakalawa ng gabi sa Brgy. San Pascual , Libon , Albay. Ang mag-ama ay sina Rosaldo Raytana, 61, may-asawa, jeepney driver at anak na si Rusty Raytana, 23, na nagsisilbing konduktor ng kanilang jeep na ipinapasada, pawang residente ng Brgy. Matara, naturang bayan. Dakong alas 6:00 ng gabi nang makarating ang sasakyan na ipinapasada ng mag-ama sa Sito Magragad, pinara ito ng isang di-nakikilalang suspek na nakatayo sa tabi ng kalsada at ng tumigil ito sa tabi ay bigla na lamang pinagbabaril ang mag-ama. Mabilis na tumakas ang suspek sakay sa isang motorsiklo na walang plaka matapos ang krimen.
- Latest