Brodkaster sa Albay itinumba ng tandem!

DARAGA, Albay, Philippines — Patay ang kilalang “hard hitting” na komentarista sa radyo sa lalawigang ito matapos na pagbabarilin ng riding-in-tandem gunmen sa loob ng kanyang pag-aaring bakery sa Daraga, dito sa lalawigan kamakalawa.
Nagtamo ng ilang tama ng punglo sa katawan ang brodkaster na si Adrian Loterte alyas “Golden Boy”, ng RBN News Television, at block timer ng DWIZ-Legazpi City na sanhi ng kanyang pagkasawi habang nilalapatan ng lunas sa Daraga Doctors Hospital.
Ayon sa ulat, dakong alas-4:24 ng hapon habang nasa loob ng kanyang bakery ang biktima sa Sitio Sto. Cristo, Brgy. San Roque, na katabi lang ng Maharlika National Highway, nang dumating ang dalawang hindi nakilalang salarin na sakay ng motorsiklo.
Isa sa suspek ang naglakad at tumawid sa kalsada patungo sa kinaroroonan ni Loterte at nang makalapit ay dito na siya painagbabaril.
Nang makitang napuruhan ang target, agad sumakay sa motorsiklo ng nag-aantay niyang kasama ang gunman patungo sa direksyon ng Brgy. Kimantong.
Mabilis namang isinugod sa pagamutan ng mga emergency responders ang duguang biktima pero nalagutan ng hininga dakong alas-5:35 ng hapon ng nasabi rin araw.
Mariing kinonenda ni AKO Bicol Partylist Rep. Alfredo Garbin Jr. ang pagpatay kay “Golden Boy” at hiniling sa Police Regional Office (PRO)-5 ang malalimang imbestigasyon sa insidente lalo pa’t kilalang matalas ang mga komentaryo ng biktima sa pulitika at public affairs.
Ikinalungkot din ni Presidential Legislative Liason Office Sec. Joey Salceda ang pamamaslang at mariin nitong kinondena ang pagpatay sa mga brodkaster ng Albay na itinuturing umano na “4th pillar of justice and democracy”.
Hindi pa nga umano nareresolba ang pamamaslang sa mediamen na si Noel Samar noong Oktubre, 2025 at Joey Llana noong Hulyo, 2018 ay pinaslang naman si Loterte na ilang metro lang ang layo mula sa Daraga Municipal Police Station. Nangako si Salceda ng “reward” sa sinumang makakapagbigay tulong sa ginagawang imbestigasyon upang madakip ang mga salarin pati na ang posibleng mastermind sa pamamaslang.
Pinangasiwaan mismo ni PRO5 regional director Brig. Gen. Randy Glenn Silvio ang ginagawang imbestigasyon sa insidente at bumuo ito na ng “Special Investigation Task Group Golden Boy” na pinamumunuan ni deputy regional director for operation Col. Wilson Santos Vl.
- Latest


















