Taxi driver , grabe sa holdap
BULACAN, Philippines – Agaw buhay ngayon ang isang taxi driver matapos na pagsasaksakin ng tatlong mga armadong holdaper na nangholdap sa biktima at tumangay sa ipinapasada nitong sasakyan sa Brgy. Balasing, Sta Maria, Bulacan kamakalawa.
Ang biktimang si Elgario Jose Marianito, 40 anyos ng Port State, Parañaque City ay patuloy na isinasalba sa pagamutan sa tinamong 18 saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Ayon sa report ni Supt. Lailene Amparo, dakong alas-8 ng gabi ng sumakay sa Toyota Vios (UYC 869) na ipinapasada ng biktima ang dalawang suspek sa Novaliches, Quezon City at nagpahatid sa Sta. Maria, Bulacan pero pagsapit sa Brgy. Poblacion ng bayang ito ay isa pa ang sumakay at nagpahatid naman sa Brgy. Balasing ng bayang ito.
Sinabi ng opisyal, pagsapit sa nasabing lugar ay agad nagdeklara ng holdap ang mga suspek at ng akmang papalag ang biktima ay pinagsasaksak ito. Hindi pa nakuntento ang mga suspek matapos na limasin ang P7,000 na kinita ng biktima ay tinangay pa ang ipinapasadang sasakyan nito.
Nasakote naman sa follow-up operation ang suspek na si Pablito Cabilin, ng Hagonoy, Bulacan habang patuloy ang pagtugis sa iba pang mga suspek na sina Noel Sebastian Jr. at isa pang kasamahan ng mga ito.
- Latest
- Trending