18 lugar sa Laguna lubog pa rin sa baha
MANILA, Philippines - Umaabot sa 18 lugar at ilang lungsod at bayan sa lalawigan ng Laguna ang lubog pa rin sa baha sanhi ng malakas na pagbuhos ng ulang dulot ng southwest monsoon, ayon sa ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council kahapon.
Sa ipinalabas na bulletin ni NDRRMC Executive Director Eduardo del Rosario, kabilang sa mga lugar na iniulat na apektado ng tubig-baha ay ang mga lungsod ng Biñan at Calamba, mga bayan ng San Pedro, Sta. Cruz at bayan ng Bay.
Nabatid din na hanggang tuhod ang tubig-baha sa mga Brgy. De la Paz, San Isidro, Malabanan na nasa Biñan City; mga Brgy. Cuyab, Landayan, Camcam sa San Pedro habang sa mga Brgy. Palingon, Uwisan, Sucol, Pansol, Linga Purok 5 at 6, Lecheria sa Calamba City.
Samantala, mababa naman sa tuhod ang baha sa mga Barangay Sto. Domingo at San Antonio sa bayan ng Bay at mga Barangay Santisima Cruz, Poblacion IV, Calios, Gatid sa mga bayan ng Sta. Cruz.
Idinagdag pa sa report ng NDRRMC na ang habagat ay nakaapekto sa 124,147 pamilya (592,893-katao) sa 36 bayan at 13 lungsod sa pitong lalawigan na naapektuhan ng kalamidad.
- Latest