7 Abu, 1 sundalo dedo sa Basilan encounter
MANILA, Philippines - Napaslang ang pitong Abu Sayyaf at isang Army Scout Ranger habang tatlo pang sundalo ang nasugatan matapos ang 6-oras na bakbakan sa liblib na bahagi ng Sitio Bohe Libeh, Barangay Macalang sa Al Barkha, Basilan kahapon ng uÂmaga.
Kasabay nito, ayon kay Col. Carlito Galvez, commander ng Army’s 104th Infantry Brigade at Joint Special Operations Task Force Basilan, nasilat ang planong pambobomba ng mga bandido sa Basilan at Zamboanga City matapos ang Ramadan kaugnay ng Eid’l Fitr na inoÂobserbahan ngayon.
Bandang alas- 4 ng madaÂling-araw nang magsagawa ng hot pursuit opeÂrations ang mga sundalo laban sa mga bandido nang sumiklab ang bakbakan.
Samantala, bago sumiklab ang bakbakan ay inatake ng mga bandido ang Balingkitan detachment sa bayan ng Al Barkha kaya nagsagawa ng security operations ang pinagsanib na elemento ng Light Reaction Company ng Naval Special Operations Unit, 3rd Special Reaction Battalion at ang 18th Infantry Battalion. Dito na nagpang-abot ang tropa ng militar at grupo ng bandido sa pamumuno nina Abu Sayyaf Commanders Furuji Indama, Khair Mundos, Isnilon Hapilon at ni Nurhasan Jamiri na nauwi sa bakbakan sa nasabing barangay.
Nakarekober ng dalawang improvised explosives device na ginamitan ng 60mm at 80mm mortar na nai-detonate na.
Samantala, sa takot na madamay sa bakbakan ay nagsilikas sa kanilang mga tahanan ang 1,000 pamilya mula sa mga Barangay Macalang, Magcawa, Kailih, Danapah, Guinanta, Linuan at sa Barangay Cambug.
- Latest