Bangka lumubog: 5 pulis, 6 pa nasagip
MANILA, Philippines - Limang pulis at anim na empleyado ni Surigao del Norte Governor Sol Matugas ang nasagip matapos na lumubog ang bangkang sinasakyan ng mga ito nang balyahin ng malakas na alon at ihip ng hangin dulot ng masamang panahon sa karagatan ng General Luna ng lalawigan.
Ayon kay CARAGA Spokesman Supt. Martin Gamba, naganap ang insidente sa karagatan habang malapit na ang mga pulis at staff ni Gov. Matugas sa Dacu Island, General Luna, Surigao del Norte dakong alas-5:30 ng umaga.
Sinabi ni Gamba kabilang sa mga nasagip ay limang pulis na pawang miyembro ng Surigao del Norte Provincial Public Safety Company, apat na staff ng Governor’s Office at dalawa pang empleyado ng lokal na pamahalaan.
Kinilala ang mga nailigtas na pulis na sina SPO1 Gocela Degrano,PO2 Elmer Parpan, PO1 Mark Gil, PO1 Comelon Gases at PO1 Jeffrey Go. Ang mga nasagip na staff ni Gov. Matugas ay sina Arlene Tongco, Josie Lim, Sannie Lim, Ida Aurora; Engineer Joey Martinez at Architect Clement Figuron.
Ang team ay patungo sa Dacu Island lulan ng dalawang bangkang de motor bilang advance party sa educational caravan na isasagawa ni Gov. Matugas sa lugar ng mangyari ang insidente. Mabilis namang nagresponde ang search and rescue team at nasagip ang mga ito.
- Latest















