Dating executive assistant ng Zambo City mayor itinumba

MANILA, Philippines — Pinaulanan ng bala ang dating executive assistant ni Zamboanga City Mayor Khymer Adan Olaso nang hindi pa nakilalang motorcycle riding-in-tandem na mga salarin matapos na tambangan ang biktima sa kahabaan ng Lunzuran Bypass road sa lungsod, ayon sa ulat kahapon.
Ang biktimang si Vivencio “Jon” Villasan Cruz Jr., 51 anyos, residente ng Calle Unidad, Brgy. Lunzuran, Zambonga City ay binawian ng buhay dakong alas-7:55 ng gabi nitong Martes ilang oras matapos maisugod sa West Metro City Hospital.
Sa ulat ng Zamboanga City Police, kasalukuyang lulan ng kaniyang behikulo ang biktima na bumabagtas sa Lunzuran Bypass Road, Brgy. Lunzuran ng lungsod na ito nang pagbabarilin ng riding-in-tandem.
Nang masigurong napuruhan ang target ay mabilis namang nagsitakas ang mga salarin patungo sa hindi pa malamang destinasyon.
Narekober ng mga nagrespondeng pulis sa crime scene ang mga basyo ng bala ng cal. 45 caliber pistol.
Nangangalap na ang pulisya ng ebidensya, CCTV footage, at testimonya sa mga nakasaksi sa krimen upang matukoy ang mga salarin.
- Latest

















