School principal todas sa ambush!

MANILA, Philippines — Patay ang isang elementary school principal makaraang paulanan ng bala ang minivan na kanyang sinasakyan ng hindi pa kilalang armadong kalalakihan sa naganap na ambush sa highway ng Brgy. Salbu, Datu Saudi Ampatuan, Maguindanao del Sur nitong Miyerkules ng umaga.
Sa ulat ni P/Lt. Mohammad Ali, hepe ng Datu Saudi Ampatuan Municipal Police Station (MPS), kinilala ang nasawing biktima na si Dr. Dionel Villavito Mahusay, Ed.D., principal sa Datu Pendililang Piang Elementary School sa Brgy. Salbu, Datu Saudi Ampatuan.
Bandang alas-7:30 ng umaga nang mangyari ang pananambang sa biktima habang minamaneho nito ang kaniyang kulay abong minivan papasok sa kanilang eskuwelahan sa nasabing lugar.
Habang bumabagtas ang minivan ng biktima sa Brgy. Salbu ng bayang ito nang paulanan ng bala ng mga armadong salarin ang behikulo nito, may 50 metro ang layo mula sa tahanan ng biktima.
Ang biktima ay nagtamo ng mga tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan na siyang agarang kumitil sa buhay nito habang mabilis na nagsitakas ang mga salarin.
Nagresponde ang mga awtoridad sa crime scene at dito’y nadiskubre na nagkaroon ng 10 butas ang behikulo mula sa balang tumagos sa pamamaril ng mga salarin.
Inaalam ng mga awtoridad ang motibo ng krimen habang nangangalap na rin ng mga ebidensya upang matukoy at maaresto ang mga salarin.
- Latest

















