Blueprint 2020 inilatag sa Zambales
ZAMBALES, Philippines —Inilatag sa kauna-unahang pagkakataon ang provincial long-term development plan matapos balangkasin ng mga opisyal ng 13 munisiplidad sa lalawigan ng Zambales.
Ang Blueprint 2020 master plan ay isinulong matapos ang planning workshop ng Sulong Zambales Party (SZP), ang kauna-unahang political party na na-organisa sa lalawigan.
Ayon kay Jessu Edora, vice chairman ng SZP, nabatid na ginawa ang planning workshop sa pangunguna ni Zambales Governor Hermogenes Ebdane, Jr.
“Nakatuon ang istratehiya ng Blueprint 2020 sa pagpapaunlad ng turismo, kalusugan, imprastraktura, social welfare, revenue generation at youth and sports development,” pahayag ni Ebdane sa pagbubukas ng workshop.
IIang eksperto ang nagsilbing tagapagsalita sa planning workshop na tumulong sa bawat munisipalidad na makapagbalangkas ng kani-kanilang plano kung saan pinagsama-sama ang mga ito upang mabuo naman ang provincial agenda. Ang Sulong Zambales Party ay itinatag noong Setyembre 2012 kung saan binubuo ito ng mayorya ng mga lokal na opisyal ng 13 bayan ng lalawigan.
- Latest