1 sa 2 bangkay ng Korean divers naiahon na
MANILA, Philippines - Naiahon na ng mga ekspertong divers ng Philippine Navy ang isa sa bangkay ng dalawang Korean diver na natagpuang patay matapos maipit sa isang kuweba sa malalim na bahagi ng karagatan sa Maricaban Island, Batangas, ayon sa opisyal kahapon.
Kinumpirma kahapon ni Philippine Navy Spokesman Lt. Col. Omar Tonsay na ang mga bangkay ay ang mga Korean divers na naunang napaulat na nawawala ay natukoy na sina Kim Jun Ho, 45 anyos at Bae Jiun, 34 taong gulang.
Sinabi ni Tonsay na ang mga bangkay ay naispatan ng Philippine Navy frogmen kahapon habang nagsasagawa ng search and retrieval operation sa lalim na 190 talampakan sa loob ng isang kuweba sa ilalim ng dagat.
“Medyo mahirap iahon, dahil kailangan muna tanggalan ng dive gears, tapos isa-isa ilabas para magkasya sa entrance ng kuweba”, ani Tonsay base na rin sa ipinadalang mensahe ng mga ekspertong divers ng Philippine Navy.
Una rito, nitong Miyerkules ay ipinag-utos ni Navy Chief Vice Admiral Alexander Pama ang search and rescue operation sa dalawang Koreano na nawawala matapos magsagawa ng diving sa Maricaban Island.
Magugunita na noong Martes ay nagsagawa ng diving sa karagatan ng Brgy. Mapating, Maricaban Island ang dalawang Koreano kasama ang ilan pang mga kapwa ng mga ito divers pero nabigong makaahon ang dalawang nasawi.
- Latest