Mayor, ex-mayor nag-agawan sa mikropono, muntik ng magbarilan
LUCENA CITY , Philippines — Nabahiran ng tensyon ang masayang pagdaraos ng Teachers Convention sa Lucena City, kamakalawa ng hapon nang magpang-abot sa okasyon ang mayor at ex-mayor na muntik ng humantong sa barilan dahil lamang sa pag-aagawan sa mikropono.
Nabatid na habang ginaganap ang kumbensyon ng mga guro sa Quezon Convention Center ay nag-paagaw ng pera si ex-Mayor Ramon Talaga Jr. habang nakaupo naman ang bago pa lamang kauupong mayor na si Vice Mayor Roderick Alcala na pumalit sa napatalsik na asawa ni Ramon na si Barbara.
Maya-maya ay tumugtog ang sikat na “gangnam style” at nakisayaw si Mayor Alcala sa mga guro at sa puntong iyon ay pumunta sa operator si ex-Mayor Talaga at ipinahinto ang tugtog at nagsalita sa mikropono na magpapalaro na lamang siya.
Doon na siya nilapitan ni Mayor Alcala at kinuha rin ang mikropono saka nagsabing huwag nang pumapel si Talaga dahil hindi na ito opisyal o ibinoto ng bayan.
Sa puntong iyon na nagkaroon ng iringan na kapwa nagsipagkasa ng kanilang mga baril ang bodyguard ng dalawang pulitiko kaya nagsimula ang kaguluhan at nagtakbuhan ang mga guro na lumikha ng bahagyang stampede sa loob ng Quezon Convention Center.
Napayapa lamang ang sitwasyon nang pumagitna si Governor David Suarez at ipinatigil ang okasyon na naka-schedule sanang ganapin hanggang gabi.
- Latest