Estudyante inutas ng adik
CAMP SIMEON OLA, Legazpi City, Philippines – Isa na namang 18-anyos na estudyante sa kolehiyo ang iniulat na napaslang matapos barilin sa ulo ng adik kamakalawa ng gabi sa Barangay Naocondiot, Placer sa Masbate.
Hindi na umabot pa ng buhay sa Dr. Francisco Medical Clinic ang biktimang si Julius Abilong ng Institute of the Orient Academy at nakatira sa nasabing barangay.
Samantala, sa follow-up operation ng pulisya ay nadakma naman ang suspek na si Alvin Melgar, 22, jobless at residente ng nabangit na barangay.
Base sa police report, papauwi na ang biktima mula sa nasabing school nang harangin at barilin ng suspek na sinasabing lango pa sa bawal na droga.
Lingid sa kaalaman ng suspek ay namataan siya ng ilang residente na papalayo sa crime scene bitbit ang baril na ginamit sa pamamaril.
Napag-alaman na ang suspek ay may kinikimkim na galit sa biktima dahil karibal niya sa panliligaw sa dalaga sa kanilang barangay.
- Latest