2 poultry farm, sinunog ng NPA rebels
MANILA, Philippines - Umaabot sa halos P4M ang napinsala matapos sunugin ng mga armadong rebeldeng New People’s Army (NPA) ang ni-raid ng mga itong dalawang poultry farm sa Brgy. Dalaon, Molave, Zamboanga del Sur kamakalawa.
Ayon kay Army’s 1st Infantry Division (ID) Spokesman Captain Alberto Caber, nasa 10,000 mga alagang manok rin ng negosyanteng Filipino-Chinese na si Mr. Onyx Go na may-ari ng nasabing mga poultry farm ang tinampalasan ng mga rebelde sa nasabing insidente.
Bandang alas-12:30 ng madaling-araw ng salakayin ng pitong mga armadong rebelde ang dalawang malalaking gusali ng poultry farm ni Go na matatagpuan sa Brgy. Dalaon, Molave, Zamboanga del Sur nang tumangging magbayad ng revolutionary tax na P60,000 kada buwan.
Ang sumalakay na mga rebelde mula sa Mindanao Regional Party Committee ay kinabibilangan ng isang amasona na nakasuot ng bonnet kung saan agad ng mga itong tinutukan ng baril ang caretaker at mga trabahador na inabutan sa nasabing farm.
Kinumpiska umano ng mga rebelde ang cell phone ng mga taong inabutan sa farm upang hindi ang mga ito makahingi ng tulong sa tropa ng militar saka binuhusan ng gasolina ang dalawang poultry farm na sinilaban bago nagsitakas.
Kaugnay nito, ipinag-utos na ni 1st ID Division Commander Major Gen. Ricardo Rainier Cruz III sa tropa ng militar na palakasin pa ang security operations upang maiwasang maulit pa ang kahalintulad na insidente.
- Latest