Koreano, 3 Pinoy tiklo sa kidnapping
MANILA, Philippines - Inaresto ng mga awtoridad ang isang Koreano at tatlong Pinoy na kasabwat nito kaugnay ng pagdukot sa nasagip na kabarong negosyanteng Koreano at girlfriend nito dahilan sa utang na P4M sa isinagawang operasyon sa Cebu City kamakalawa.
Sa ulat ng Cebu City Police, kinilala ang nasakoteng suspek na Koreano na si Song Sunghen, 33-anyos, isa ring negosyante at ang tatlong Pinoy na nagpanggap na mga operatiba ng Region 7 Criminal Investigation and Detection Group na nagposas sa mga biktima na sinisingil sa nasabing milyong halaga ng utang.
Si Sunghen at mga kasabwat nitong Pinoy na sina Gregorio Dealagdon; pinsan nitong si Richard Nemenzo Dealagdon at Leonard Bolalon ay nahaharap sa kasong kidnapping for ransom.
Nasagip naman ang magnobyong biktima na sina Jun Hyung Chung, Koreano at Charice Santiago na kinidnap noong Miyerkules dakong alas-7 ng gabi ng mga suspek kung saan inikot ang mga ito sa iba’t ibang bayan ng Cebu.
Samantalang tinangka rin ng mga suspek na magwithdraw ng P200,000 mula sa ATM account ng Koreanong si Chung mula sa inisyal na P600,000 ransom demand. Unang nasakote ang tatlong Pinoy at sumunod naman sa follow-up operation ang mastermind na si Sunghen kamakalawa sa bisinidad ng Mactan International Airport.
Lumilitaw naman sa imbestigasyon, na ang utang na P4M ni Chung kay Sunghen ang motibo ng puwersahang pagtangay sa mga ito.
- Latest