Bangka lumubog: 3 patay, 2 nawawala
KIDAPAWAN CITY , Philippines – Tatlo-katao ang kumpirmadong nasawi habang dalawa naman ang iniulat na nawawala kung saan 13 ang nasagip sa lumubog na bangka kamakalawa ng umaga sa Pulangi River sa bayan ng Kabacan, North Cotabato.
Unang narekober ang bangkay ng 42-anyos na si Lilibeth Mandaya habang sumunod namang natagpuan si Gerry Marabe, 43, at anak nitong si Bobby Marabe, 5, kapwa nakatira sa New Village sa Barangay Poblacion sa bayan ng Carmen.
Patuloy namang pinaghahanap ang mga biktimang sina Jenevieve Saliling, 9; at Mary Jean Abarca, 26, kapwa nakatira sa Barangay Tamped sa bayan ng Kabacan.
Kabilang sa mga nailigtas ay sina Sofia Panambolan, 11; Christine Porcadilla, 11; Mikki Gomata, 12; Danica Panigel, 10; Dante Mandadtem, 9; Nathaniel Maninggola, 9; Jonamae Buenafe, 11; Jenecel Tomas, 11; Jenny Ambag, 12; Jenny-Vi Amella, Elvira Sepe, Ebma Escobar at si Edu Salipungan, 46.
Nabatid na siyam sa mga nailigtas ay estudyante ng Tamped Elementary School na contestant sa Math Olympiad sa University of Southern Mindanao na gagawin sana kahapon sa bayan ng Kabacan, habang apat naman ay mga guro.
Lumilitaw na tinangay ng malakas na agos ang bangkang pag-aari ni Norodin Edu matapos mag-overtake ang isa pang malaking bangka kaya lumakas ang alon at tuluyang lumubog ang bangka ng mga biktima.
Sinabi naman ni Chairman Daniel Saliling ng Barangay Tamped, na isa ring dahilan kaya tumaob ay overloaded sa saku-sakong uling ang bangka.
Nanguna sa paghahanap sa mga nawawalang biktima ay ang Municipal Disaster Risk Reduction-Kabacan, Quick Response Team, Cotabato-PDRRM, Provincial Rescue Team, Barangay Disaster Risk Reduction ng Tamped, Brgy. Rescue Volunteers, Kabacan PNP at ang Cotabato PNP.
- Latest
- Trending