3 Sayyaf patay sa bakbakan
MANILA, Philippines - Tatlong bandidong Abu Sayyaf ang iniulat na napaslang habang apat namang elite forces ng Army Scout Ranger ang nasugatan sa dalawang oras na bakbakan sa liblib na bahagi ng Sitio Baag, Brgy. Guiong sa bayan ng Sumisip, Basilan noong Martes ng tanghali. Naganap ang engkuwentro habang nagsasagawa ng security patrol ang platoon ng 3rd Scout Ranger Battalion kung saan nakasagupa ang mga bandidong Abu Sayyaf. Tumagal ng dalawang oras bago nagsitakas ang mga kalaban na inabandona ang tatlong nasawi sa kanilang panig. Kasalukuyan pang inaalam ang pagkakakilanlan ng mga napaslang na Abu Sayyaf habang isinugod naman sa ospital ang apat na nasugatang sundalo. Kaugnay nito, ipinag-utos na ni Major Gen. Ricardo Rainier Cruz , hepe ng Army’s 1st ID sa lahat ng units ng militar na ipagpatuloy ang pagtugis sa mga bandido na sangkot sa terorismo sa Mindanao Region.
- Latest
- Trending